Ang Una kong Pag-ibig
Humiram ako ng gitara. Ang tagal ko na kasing hindi nakakatipa nito at napansin kong kinakalawang na ang kaunti kong kaalaman sa pagtugtog nito.
Gitara ang una kong kinahiligan. Isinapuso ko ang tunog ng anim na kwerdas na iyon bago nabaling ang atensiyon ko sa drums. Hanggang ngayon hindi ko pa rin alam ang eksaktong dahilan kung bakit mas pinili kong seryosohing pag-aralan ang drums at iba't-ibang percussion instruments. Nahasa din ako sa pag-awit at stage performance. Pero totoo yata talaga ang sinasabi ng mga nakakatanda, na hinding-hindi mo makakalimutan ang una mong pag-ibig.
Halos kalahating araw akong nag-praktis kanina at tuwing Sabado balak kong mag-ensayo pa. Matampuhin pala ang mga gitara. Ilang taon mong pag-aaralan at paamuhin pero sa sandaling bitawan mo pahihirapan ka ulit. Walang utang na loob.
A - Asus - AM7 - A+2 - A13 - A9 - Adim
Nawala na ang lakas ng kaliwang kamay ko, di ko na kaya ang mga dati kong natutugtog. Ang bagal ko na din makalipat ng tipa at ang sakit kaagad ng mga dulo ng daliri kong nawalan na ng kalyo. Nawalan na din ng strumming rhythm ang kanang kamay ko at nagkakabuhol-bohol na din kapag plucking.
Ouch!
At nang iniwan ko ang music team, pati pagpalo ng drums at pagawit ay iniwan ko na rin. Bakit kasi pinilit ko pang ibinabalik ang mga bagay na alam kong wala na sa akin. Nalungkot lang tuloy ako.
* * * * *
Noong huling retreat ng ASCM, ang pinaka-astig na seminaryo (para sa akin) sa Pilipinas, isang estudyante tawagin natin sa pangalang "Ons" ang walang pakundangang binitawan ang para sa aki'y napakalalim na tanong.
"Ate Gigi, bakit di ka na tumutugtog?"
Nung mga panahong iyon, nagbibingi-bingihan ako sa tawag ng Ama na manumbalik sa music team. Parang sampal ang mga ganung tanong. Nakakamanhid ng pakiramdam, parang tumigil sandali ang lahat ng gumagalaw sa paligid at parang lahat ay nag-hintay sa isasagot ko. Alam kong wala siyang masamang intensiyon sa pagtanong niya pero gusto kong umiyak ng sandaling iyon. Sinubo ko na lang yung buko salad para huwag matuloy pero nawalan na ito ng lasa.
Ang tanong ni Ons ang kalabit sa gatilyo kaya pilit kong ibabalik ang mga nawala kong nota. At uumpisahan ko ulit sa instrumentong una kong inibig - ang gitara.
Kaya ngayon, praktis muna.
5 comments:
Kaya mo pa rin yan, Ghie! Alam mo naman na ako ang isa sa mga "music fans" mo (kumanta pa nga ako with you sa CBN Asia pantry noon di ba kahit alam ko na wala naman akong talento ng tulad ni Lea Salonga -- fighting spirit lang, hehe). O, sige practice ka na. Kung gusto mo sabayan kita ng kanta a la Darlene ng Hill Songs, game ako! :-) O, God bless! Pinost ko na ang Prayer Window mo sa "Candid Lens." (Ako naman masakit ang daliri di dahil sa kakagitara, kung hindi sa kakablog. Kailangan ko siguro ng acupressure. LOL) Sulat ka lang nang sulat in Tagalog. Ganda e. Nalilibang ako. Galing!
Hehe! Thanks Jayred sa suporta mo. Naalala ko nga mga late night deadline hanggang umaga natin sa CBN Asia. Haay! Ang hirap pero ang saya-saya di ba? Unforgettable!
O sige Lea, kanta ka na jan! hehe!
LOL. How I wish kasing ganda at kasing talented ako ni Lea. :-)
Hey, more! More! More! More stories in Tagalog. Naa-addict na ko, hehe. You have the writing talent a. :-)
Have a nice weekend! God bless. And regards from the Uncle. Thank you daw sa greetings mo sa chatbox. :-)
... wow! ganda ng daliri mo! :lol: I can relate somehow, pangarap kong tumugtog ng gitara sa praise and worship, eh! kaya lang di na ko na naipagpatuloy ang pagtugtog ng gitara. Tama ka matamphin nga sila...
Post a Comment