Wednesday, May 18, 2005

To Stay or Not to Stay

Kanina sa kotse papuntang Makati...

Oops! Teka, wala akong kotse, nagkataon lang na may pumilang Toyota Altis sa terminal ng FX at doon ako natapat sa pagsakay. Kaya ulit ha...

Kanina sa kotse papuntang Makati, may nakasakay akong nanay na kalong-kalong ang anak niyang may hawak na laruang Ninja Turtle. Habang naaliw ako sa pagdungaw sa bintana, naulinigan ko ang kwentuhan nila ng tsuper.

"Kaka-resign ko lang."

"Bakit, ano ba trabaho mo dati?"

"Physical Therapist ako sa Makati Med."

"Bakit ka naman nagresign?"

"Mag-aaral ako ng Nursing."

Hindi na ako nagulat sa mga narinig ko. Ganito na ang takbo ng buhay ngayon dito sa bayang Pilipinas. Ang mga doktor, at iba pang nasa propesyong medikal, ay nag-aaral maging nurse para makapunta sa US. Mas malaki kasi ang kikitain nila bilang nurse doon kaysa sa kikitain nila bilang mga doktor dito.

Ano na ba ang nangyayari sa'yo, Pilipinas?

Ewan ko. Limang taon ko na iyang tinatanong sa sarili ko. Noong una pagtataka na may halong ngit-ngit ang nadarama ko sa mga kababayan kong nangingibang-bansa. Tingin ko sa kanila ay mga makasariling walang pakundangang iiwan ang sariling bayan para kumita lang ng dolyar. Pero ngayon, namamalayan ko na lang ang sarili kong unti-unting nawawalan ng pag-asang umunlad at naghahangad na din lumipad patungo sa ibang bansa. Tsk! Hindi ko gusto ito pero hindi ako magsasalita ng tapos. Hanggat kaya ko, mananatili ako dito sa bayang minamahal.

At ngayon ay naiintindihan ko na ang mga kababayan kong nangibang-bansa. Nagkamali ako sa paghusga sa kanila at sa mga bagay na hindi ko naiintindihan. Hindi pala sila makasarili, matindi lang ang kanilang pagnanasang mahanap ang katuparan ng kanilang mga pangarap, kahit na hanapin pa nila ito sa ibang bansa.

Mahal ko ang Pilipinas. Kapag nadadaan ako sa Luneta at nakikita ko ang higanteng bandila sa harap ng bantayog ni Rizal, napapabuntong-hininga na lang ako. Kapag last full show sa sinehan todo birit ako habang ang lahat ay nangingiming awitin ang Lupang Hinirang. Mahal ko ang Pilipinas at sakaling umalis man ako dadalhin ko siya sa puso ko, kasama ng mga pangarap ko. Malay natin sa pagbabalik ko, di ko na kailangan pumila sa mga FX terminal. Sarili ko na rin ang kotseng sinasakyan ko.

5 comments:

Anonymous said...

that sounds really sad...

i'm planning on studying nursing this coming school year (as a second course). my reason is the same with other people's: economic security. i just want a secure future for myself and my family, and i feel that there is little opportunity here for personal and professional growth.

i used to criticize people who take nursing or care giving courses. i saw it as a cop out. an easy-way-out. a desertion of our country. but i don't blame people anymore. people would naturally want a secure future for themselves.

i've always been idealistic, but i realized i'm just too weak or tired or jaded for idealism. i realized i can't help other people without helping myself first. so i decided it's better if i secure myself economically first and then when the time comes when i have the means and the resources to help others i'll do it. maybe start a business and employ people, or help them start their own livelihood, etc.

Anonymous said...

yes, dante, it is quite sad.

basta lets just pursue our dreams and never let go of it, no matter what. tutulungan tayo ng Diyos.

btw, may blog ka ba that i can visit?

Gigi-pinoypandesal

Anonymous said...

hello gigi :)

sa ngayon, wala pa... maybe in the future. :)

God bless.

turtlepace said...

hi gigi! ako din may plano mangibang bansa. kasi ang mga type kung lalaki nandun..hehe

i love being filipino. i love my country and its culture. i love the filipinos!! wohoo mabuhay!! when i say things like these, tumatayo balahibo ko..ewan ko ba kung bakit.

Anonymous said...

Ituloy natin ang ating pagiging makabayan. Magandang trait yan.

As for those na nag-nunursing at nagke-caregiving, I don't judge or blame them. Mahirap na talaga ang economic situation sa Pinas. Nakakalungkot no. Pero kailangan nilang gawin ito para sa pamilya nila.

I am hoping and praying na payamanin kami ni Lord tapos i-bless ang Pilipinas by going back there to set up a foundation for the poor (educating those who can't afford to go to school) and at the same time, mag-sponsor ng maraming missionaries at church workers. Bahala na si Lord. He knows what's best.

God bless you and your family!